Friday, March 13, 2009


Diin
Leizann gaerol a del castillo

Mataas na ang sikat ng araw nang magising ako sa ibang kama. Sa ibang kama na may kasamang ibang tao. Damang-dama ko ang hapdi ng aking lalamunan dala ng malalakas na pagsambit sa nag-iisang pangalang Eva buong magdamag sa tuwing ito ay dinidiinan ko. Sariwa pa ang mga sugat na dala ng marahil na higpit ng yapos ni Eva sa tuwing dinidiinan ko. Magkahawak ang aming mga kamay na wari ay naglalakad at patungo sa sukdulan sa tuwing dinidiinan ko. Isang minimithing pangarap na nabigyan ng katuparan sa tuwing dumarating kami sa sukdulan ni Eva sa tuwing dinidiinan ko.

Isang magandang dilag na nagniningning sa gitna ng parang. Maalindog ang bawat galaw. Tila pulang ilaw na patay sindi ang kanyang mga mapupungay na mga mata na nag-aanyaya at humahalina sa tuwing siya ay kumikindat. Ang itim at kintab ng kanyang buhok na tila alon ng dagat sa tuwing sumusunod sa galaw. Ang binalat sibuyas na mga binti at kutis ang una mong mapapansin sa tuwing wala siyang saplot. Makinis at mapupulang mga labi ang kanyang pambungad sa tuwing kami ay magkakatitigan. Siya si Eva, ang babaenng hinugot sa aking tadyang at isang obra kung siya ay aking ihahambing.

Sa ganitong paraan pinaikot ni Eva ang mga bawat sandali ng aking buhay sa mundong ibabaw. Ang palagian niyang pagsulpot sa aking kama ang nagdadala sa amin sa sukdulan. Bukod sa kanyang kagandahan ay meron pa siyang itinatagong katangian. Masarap siyang mag-alaga at magmahal. Dito na marahil ang dahilan kung bakit nahulog ang aking puso sa isang magandang dilag na ito. Ibibigay niya kahit anong meron siya, ganito katindi magmahal ang binibining ito. Magpapasabay ka sa bawat pag-indayog ng pag-ibig niya.

Tila tumigil ang aking mundo magmula nang makilala ko siya. Kinalimutan ko pati ang mga taong mahahalaga sa akin. Pati na rin ang aking pinagmulan ay aking sinuway maibigay lamang ang atensyon sa kanya. Marahil ay pagsasayang ng panahon ang pagsama sa ganitong babae ngunit isang malaking pagkakamali ang tumanggi sa isang biyaya. Lumipas pa ang mga araw at ganun din ang mga nagyayari. Ilang araw na ang nagigising na magkasama sa isang kumot. Ilang araw na nagpapalit ng laway. Ilang araw na ipinupuhunan ang mga patak ng pawis marating lang namin ang tinatawag na sukdulan.

Nakatali na ako sa minamahal kong babae, ngunit nang si Eva ay lumapag sa aking buhay, ang babaeng nagtali sa akin ay kinalimuatn ko na. Para bang nakawala ako sa matagal na pagkakatali. Tila si Eva ang naging susi sa matagal kong pagkabilanggo sa madilim at nakakatakot na hawla. Wala na akong magagawa ng mga panahon na iyon. Lumilipad ang puso ko patungo sa direksyon na kinaroroonan ni Eva. Ito ang nagbunsod sa aking isip at damdamin na hiwalayan at lisanin na ang relasyon namin ni Marie. Ramdam ko ang mga hinagpis ni Marie. Tila patak ng ulan na ayaw nang tumigil ang kanyang mga luha. Wala naman akong ibang magawa sadyang kay Eva na yata ang aking puso. Hindi lubos matanggap ni Marie ang aming paghihiwalay.

Nagpakalayo-layo kami ni Eva. Sa isang maganda, liblib at mapayapang lugar. Doon kami ay namuhay ng matiwasay. Nagbunga ang katas ng aming pagmamahalan, biniyayaan kami ng isang malusog na batang lalake. Noon ay masaya naming pinagsasaluhan ang bawat isang saglit ng aming pagsasama.

Sa kabila ng magandang pagsasamahan, isang madilim na umaga ang dumating. Ang aming matamis na pagsasamahan ay biglang tumabang na animo’y parang maghihiwalay na ang aming landas. Ang ganitong pagyayari ay sa kadahilanang nawawala siya sa tuwing kumakapit ang dilim.

Nahihiwagaan talaga ako sa kanya. Sa mga panahong iyon na ‘di na mailarawang pangamba. Sino ba namang asawa ang hindi mag-aalala sa tuwing aalis sa pugad ang inahin. Nagtuluy-tuloy ang mga pagkawala ni Eva sa pagsapit ng dilim at ang mga kabog ng aking puso, dala ng pangamba sa aking kabiyak.

Kasabay ng pagkawala ni Eva sa dilim ay ang unti-unting pagsuko ng aking puso na magmahal sa kanya. Ang pagkawala niya sa gabi ang nagbusod sa akin upang lumayo sa kanya. Napabayaan niya ang aming pamilya. Hindi na siya ang dating nakilala ko. Kung noon ay maalagain siya, iba na siya ngayon. Napapabayaan na niya pati ang aming kalusugan. Nalilimutan din niya na may tungkulin siya sa amin bilang pamilya niya.

Kalong ang anak namin ay umuwi kami sa bahay ng aking mga magulang. Nagbalik ako ng loob sa mga taong iniwan at kinalimutan ko noon. Mabuti na lamang at binigyan pa nila ako ng isang pagkakataon.

Nagkabalikan kami ng dati kong kasintahan. Mga luha’t mahihigpit na yakap at halik ang isinalubong niya sa akin. Minahal niya ako muli katulad ng dati at pati na rin ang aming anak ni Eva na parang tunay na rin niyang anak.

Sariwa pa rin sa aking puso at isipan ang misteryosong idinulot ni Eva sa aking buhay. Ang pagkawala niya tuwing gabi ay isa pa ring bukas na hiwaga na walang kasagutan.

No comments:

Post a Comment